Sunday, July 28, 2019

Posisyon Papel


Legalisasyon sa Medikal na Paggamit ng Marijuana






      

     Dito sa Pilipinas kung saan patuloy ang giyera kontra droga, kapag narinig ang salitang "marijuana" agad na pumapasok sa isipan ng tao na laging masama ang dulot nito. Gaya ng pagkasira sa pag-iisip at katawan ng tao, nagbibigay hallucinations sa mga gumagamit na dahilan at isa sa resulta ng pagsasagawa ng iba't ibang krimen sa mundo. Ngunti maraming maganda dulot din ang marijuana, ito ay may aplikasyon sa industriya ng pagawaan ng tela, langis, lubid at higit sa lahat maaaring magamit bilang lunas sa mga malalalang sakit. Kaya naman para sa akin walang masama sa pagpapalegal nito bilang medikal na paggamit dahil malaking tulong ito sa mga may sakit tulad ng kanser na maaaring ito na lang ang natitirang pag-asa sa pagpapahaba ng kanilang buhay. 

      Ang legalisasyon ng marijuana ay hindi agad nangangahulugang maari na itong magamit at mabili ng kahit sino sa kahit saan. Ayon sa House Bill 6517 o Philippine Compassionate Medical Cannabis Act na ang maaari lamang magkaroon nito ay ang mga kwalipikadong pasyente o lehitimong pasyente na dumaan sa ebalwasyon ng mga qualified physician, caregiver at iyong mga niresetahan ng doktor. Hindi rin ito available sa mga drug stores at striktong ipinagbabawal pa rin ang paghihithit nito at pagbebenta lalo na ang raw form o iyong dahon na ginagamit bilang libangan o sa recreational use. Ayon sa pag-aaral na ang marijuana ay ginagamit at maaaring panggamot sa kanser, epilepsy, seizure, chronic pain, muscle spasms at iba pa. Marami na ring bansa ang legal na ito tulad ng United States ngunit dahil din dito ay unti-unti itong natatanggap at nagiging 'excuse' upang gamitin sa kagustuhan lamang. Ngunit inirekomenda ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) na sang-ayon din sa pagsasaligal ng marijuana, na gawing legal lamang ang mga nakakapsula o tabletong medical component ng marijuana o cannabis imbes na dahon mismo ng marijuana. Ito ay nagbibigay karapatan sa mga pasyente na mamili ng paraan ng paggamot o treatment ang nais nila at dapat ding iinform ang maaaring side effects nito sa pasyente at bigyan ng limitasyon, regulasyon at kontrol sa paggamit.

      Ang marijuana ay isang delikadong droga kung ito ay aabusuhin at hindi gagamitin sa mabuti. Ang pagsasalegal nito ay para lamang sa medisina at mayroon ding control measure o striktong kondisyon bago ito gamitin. May karampatang parusa pa rin ang lalabag sa panukala kung saan ang pagtatanim, pagbebenta, pamamahagi, transportasyon at paggamit sa kagustuhan ng marijuana ay ipinagbabawal. Kaya dapat patuloy pa rin ang pagmomonitor ng mga pulis sa mga taong matitigas ang ulo at ginagamit ito dahil sa kagustuhan sa halip na sa medikal na paggamit. Ito ay makakatulong sa maraming taong may malubhang sakit na kailangan ito upang humaba pa ang kanilang buhay at mabawasan amg sakit na iniinda, kaya sana maging bukas ang isipan natin sa paggamit ng marijuana para sa medikal na pakay o panglunas.